STATE OF THE CITY ADDRESS

October 19, 2019

Speech of Mayor Vico Sotto

"Magandang hapon sa ating lahat!"

"First 100 days, first State of the City Address."

"Sa unang pagkakataon ang inyong mayor ay mag-uulat ng kalagayan ng ating pamahalaang lungsod, mga suliranin at hakbang, mga proyekto’t programa, mga hamon at oportunidad.

Minarapat kong dito idaos sa Plaza Bonifacio upang muli nating puntahan ang ating mga plaza, parks at iba pang pampublikong lugar. Bubuksan po natin ang mga ganitong lugar, maglalagay ng empleyado para sa kalinisan at kaayusan para pwede nang maglaro ang mga bata at magsama-sama ang pamilya.

Nais ko rin po muling pahalagahan ng bawat Pasigueño ang makulay na kasaysayan ng ating lungsod. Plaza Bonifacio, lugar ng Nagsabado sa Pasig, lugar kung saan nagtipon-tipon ang mga katipunero, nagpakita ng tapang at pagkakaisa upang baguhin ang sistema."

 

Kalusugang pangkalahatan

"Nilalayon natin na ang Pasig ang manguna sa pagpapatupad ng Universal Health Care. Una, dapat ang lahat ng Pasigueño ay maging myembro ng Philhealth. Sa tulong ng national government, ang ating senior citizens at persons with disabilities ay patuloy na makikinabang sa libreng akses sa serbisyong pangkalusugan.

Naglaan po tayo ngayong taon ng P36 million para mabigyan ang mas maraming residente. Sinimulan natin sa 11,000 tricycle drivers at operators. Isusunod natin ang iba pang sektor dahil patuloy tayong maglalaan ng pondo para rito. Target nating makapagpalista ng kabuuang 15,000 bagong miyembro simula ngayong araw na ito.

Kailangang abot kamay ang serbisyong pangkalusugan kaya’t pasisiglahin natin ang ating mga barangay health centers. Ipapaayos natin ang pasilidad at istruktura ng lahat ng health centers ng ating siyudad. P152 million ang inilaan natin para rito.

Sisiguruhin din natin ang pagkakaroon ng sapat na gamot. Dinagdagan natin ng P470.5 million hanggang sa katapusan ng taon ang pondo upang mabigyan ng gamot at medical supplies ang lahat ng health centers at ospital. Sinimulan natin kanina ang programa para sa maagap at masinop na maghahatid ng mga gamot sa health centers. Naglaan tayo ng delivery vans para lamang dito.

Para sa taong 2020, P772.7 million ang budget para sa gamot at iba pang medical supplies.

Sa darating na taon, ang ating mga ospital ay hindi makikipagkumpetensya sa ibang opisina ng pamahalaang lokal pagdating sa revenue generation.

Ang pondong kanilang malilikom ay magmumula sa subsidy ng national government at PhilHealth. Sa tulong ng konseho, aamyendahan natin ang Revenue Code para gawing abot-kaya ang mga medical services, kung hindi man libre para sa mga residente ng Pasig.

21% ng kabuuang budget ng LGU para sa 2020 ang inilaan para sa health services.

I have also certified as priority agenda the rationalization of our health office into the Pasig City Health Department. This will pave the way for regular plantilla positions for health professionals and additional health workers. Higit nating mahihikayat ang mga doctor at nurses upang magsilbi sa ating lungsod. Madaragdagan ang ating mga health workers para sa ating layuning magkaroon ng kalidad at angkop na serbisyong medical."

 

Pabahay para sa mapanlahok at maunlad na pamayanan:

"Sa pangunguna ng Task Force Pabahay naging aktibo ang konsultasyon sa taumbayan. Simula Hulyo, mainit tayong sinalubong ng higit tatlong libong lider at aktibong myembro ng mga organisasyon at mga residente. Naging bukas sila sa paglalahad ng kanilang isyu, puna o problema at panukalang solusyon. Sa patuloy nating pakikipag-usap sa mga Pasigueño makakabuo tayo ng People’s Plan na magiging haligi ng ating polisiya na makatao, makatarungan at sumusunod sa batas.

Nagsagawa tayo ng imbentaryo ng lupa at nakapagtukoy ng lokasyon para sa pabahay. Naglaan tayo ng pondo upang mabilis natin itong mabibili alinsunod sa mga proseso ng negosasyon at dokumentasyon.

Bunsod din ng pakikilahok ng taumbayan, nagsisimula na po ang inisyatiba ng lokal na pamahalaan sa community mortgage program o CMP. Mahigit sampu na mga homeowners associations ang ating tinutulungan upang masimulan ang proseso ng CMP. Dagdag pa ang pagsasaayos ng pagtititulo sa mga kabahayan sa kahabaan ng Ilog Marikina upang mapasakanila ang lupang tinitirikan ng kanilang bahay.

Hindi natin kinaligtaan ang konsultasyon sa mga residente ng mga housing projects. Pinuntahan natin ang Tanay, Calauan at Rodriguez. Kailangan nating kumpletuhin ang mga serbisyo para sa disenteng pamayanan at makataong pamumuhay.

Binisita rin natin ang mga in-city housing projects upang buhayin ang regular at malusog na daloy ng konsultasyon at pagdedesisyon. Magbabalangkas tayo ng malinaw na relasyon ng kapangyarihan at pananagutan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at homeowners association.

Aktibo rin ang ating pakikipagkonsultasyon sa mga ahensya ng national government upang mas higit nating maisakatuparan ang pabahay para sa mga Pasigueño.

Naglaan tayo ng P62 million para sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng in-city housing projects. Mayroon ding P100 million na initial investment ang lungsod para sa land acquisition para mga bagong socialized housing projects. Simula sa araw na ito, hindi na rin compounded ang interes sa mga bayarin ng beneficiaries ng in-city housing projects."

 

De kalidad na edukasyon ng mamamayan tungo sa maunlad na bayan

"Bahagi ng pagpapataas ng kalidad ng edukasyon ang pagsasaayos ng ating mga school buildings at iba pang facilities. Nabigyan na natin ng P1 billion ngayong taon ang priority renovation and repairs sa lahat sa ng mga public schools ng Pasig. Sa susunod na taon ay naghain din ng P1.2 billion budget para sa edukasyon.

Pinalakas natin ang pamamahala sa edukasyon sa pamamagitan ng reinvented Local School Board na kung saan mas aktibong kalahok ang lahat ng education stakeholders, at ang pagdedesisyon ay nakabatay sa pangkalahatang estratehiya na layong pataasin ang antas ng kalidad ng edukasyon sa Pasig.

Ang rapid assessment ng Task Force on Education ang panimulang dokumento na pinagbatayan ng mga pangangailangan na dapat nating tugunan. Sa rapid assessment nakita na mababa ang ating participation rates lalo na sa mga high school students – kaya itutuloy at palalawakin pa natin ang ating scholarship program na sa kasalukuyan ay tatawagin na nating Pasig City Scholarship Program.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi na nakapangalan sa pulitiko ang scholarship program ng lungsod. Mas marami na rin ang makikinabang sa programang ito, mula 12,000 noong nakaraang administrasyon, itinaas natin ito sa 13,000 ngayon, at gagawing 16,000 sa susunod na taon. Mayroon tayong alokasyon na P420 million para sa taong 2020."

 

Tapat, maayos at mahusay na pamamahala

"Sa unang buwan natin sa panunungkulan binuksan natin ang Ugnayan sa Pasig. Ito ang nakita nating mekanismo para sa pagbibigay ng feedback o reklamo. Ito rin ang opisinang magbibigay ng impormasyon sa pamamahala, tulad ng budget, personnel, programs and projects. Isinama rin natin dito ang CSO/NGO accreditation upang higit pang mapalakas ang aktibong pakikilahok ng ating mamamayan sa ating pamamahala.

Sa pamamagitan ng Ugnayan sa Pasig, nakatanggap tayo ng mga reklamo ng umano’y katiwalian sa hanay ng ating mga opisyal at empleyado. Sinisiguro natin na idadaan sa tamang proseso ang pagpapanagot sa mga gumawa at patuloy na gumagawa ng katiwalian.

We aim to improve our Ease of Doing Business, by ensuring that fixers within the City Hall are dealt with accordingly to the full extent of the law. We will ensure that the processing of documents in our revenue generating units follow the standards set in our citizens charter.

We enjoin the public to continue reporting cases of corruption. Like I said, and this is a stern warning to everyone – the corrupt will be dealt with accordingly.

Ipinangako ko rin sa inyo ang pagsasaayos ng ating pamahalaan lokal. Una, pinahalagahan natin ang ating mga empleyado. Nagdaos tayo ng personnel screening kung saan ipinasok natin sa computer database ang impormasyon, larawan at pirma ng lahat ng ating empleyado. Ngayon kaya nating sabihin na ang Pasig City Government ay walang ghost employees.

Sinimulan din natin ang proseso ng regularization ng mga matagal nang naninilbihan sa ating gobyerno. Patuloy ang pagpoproseso natin para maging regular ang long-time casual o job order employees natin.

Sa pamamagitan ng konseho, we will create 379 permanent positions in our burueaucracy. Ito ay para sa mga casual employees na gumagampan ng parehong trabaho sa loob ng maraming taon.

Inalis na rin natin ang pamantayan ng tagal sa trabaho bilang JO para maging casual. Ngayon basta’t nagtatrabaho nang mahusay maari nang ma-promote. Mayroon na tayong 191 na job order personnel na naging casual.

Humanap din tayo ng pondo upang maibigay ang mga nararapat na benepisyo ng empleyado. Salamat sa konseho, ang ating rice subsidy ay ibibigay na bilang cash. Pinayagan din natin ang mga regular at casual na kumuha ng monetization benefit, katumbas ng dalawang buwang sweldo, na sa unang pagkakataon ay naibigay sa kanila.

First on the Executive Agenda is to rationalize the organizational structure of the City Government. We have 108 formations, departments, offices, units and 108 heads or officers-in-charge. Only 16 of these are mandated by the local government code, thus I once again enjoin the Sangguniang Panlungsod to make this a priority agenda. We have turned over the proposed ordinances establishing the Health Department and the General Services Department.

Likewise, we have also identified units, offices and formations that have overlapping and redundant functions. Rationalization will address the duplication of responsibilities, confusion in the performance of their mandate and undefined accountability of each office. We are in constant consultation with these offices for the crafting of the said legislation.

Sa kabilang dako, ang pamamalakad natin ngayon ay dapat rational din – ibig sabihin nakabase sa kumpleto at wastong impormasyon ang mga polisiya at desisyon na ating gagawin. Ito ang nagbunsod sa pagbubuo ng mga Task Forces para aralin ang key governance areas at kumalap ng datos bago gumawa ng malalaking desisyon.

Lumabas sa kauna-unahang Executive-Legislative Agenda workshop kahapon ang kahalagan ng datos para sa pagpaplano. Dahil dito ay magsasagawa tayo ng census sa lahat ng kabahayan ng ating lungsod para lubos na maintindihan ang aktwal na kalagayan ng bawat Pasigueño at mga komunidad.

Hinihingi ko ang inyong tulong at suporta sa gagawing survey sa mga susunod na buwan. Ipinapangako ko na iba ito sa mga nakasanayang survey na ang layon lang ay pulitikal. Ang mga datos na makakalap dito ang magsisilbing gabay sa mas angkop na plano, programa at proyekto ng ating gobyerno."

 

COA Report

"During the transition meetings, the first report we reviewed was the 2018 COA Annual Audit. The physical existence and validity of inventories of supplies and materials cannot be ascertained amounting to P1.4 billion. We immediately requested the offices - Accounting, GSO, Medical Depot and the Central Supply to facilitate the proper documentation and address the observations. Our team was able to decrease the amount to Php1 billion due to proper accounting.

Naisip namin, kaya natin maisaayos ang ating mga dokumento. Then came the interim audit report, for the period ending June 30, 2019, the balance of inventories amounting to P1.871 billion remains unreliable. Hanggang ngayon kasi ay nagbabayad tayo ng biniling supplies ng nakaraang administrasyon. Pipilitin nating maisaayos ang mga proseso at dokumentasyon upang sa ating administrasyon ay hindi ito mangyari.

Sinabi rin ng COA na excessive ang procurement ng supplies at materials, isang bilyon para sa january - june ng 2019. Sa parehong period noong 2018 may paglobo ng expenditure sa supplies na mahigit 240%. Labis-labis naman yata ito.

Sa ngayon, inaayos na po natin ang mga proseso, at sa pakikipagtutulungan ng GSO, Accounting, Budget, maging ang Central Supply, hinigpitan natin ang proseso ng procurement ng supplies at equipment dito sa City Hall.

Sa ating pagsusuri, nakita rin na may malaking halaga para sa public infrastructure - P5.798 billion mula sa General Fund at P3.6 billion mula Special Education Fund - simula 2006 hanggang 2015 - na hindi nadeklara bilang asset ng pamahalaang lokal.

Wala pong kahit anong dokumento mula sa Registries of Public Infrastructure na nagsasabing ang mga ito ay pag-aari ng ating pamahalaan. P9.4 billion po ang ginastos natin para sa mga building na ito pero walang dokumento na nagsasaad na pagmamay-ari ito ng lungsod.

Nariyan din ang mga lupa na binili ng LGU sa ilalim ng dating administrasyon na hindi pa naililipat ang titulo sa Pasig City Government. P 684 million ang ginastos para sa land acquisition pero nasa Php155 million lang na halaga ng lupa ang may titulo. 77% o P528 million ang halaga ng lupa na hinid pa naipangalan sa ating lokal na pamahalaan.

Sobra-sobra rin ang mga petty cash at unliquidated cash advances noon na umabot sa Php4.1 million. Inutusan na tayo ng COA para siguruhin ang mabilisang liquidation report at bawasan ang mga empleyado na maaring mag-cash advance.

Ito po ang nagtulak sa atin upang makipag-usap sa Landbank para sa pagbibigay ng mga ATM para sa sweldo ng lahat ng empleyado. Ito ay upang maiwasan ang paggamit ng pagador. Cash cards na rin ang gagamitin para sa mga tulong pinansyal sa ating mga residente.

Binubukas na natin ang procurement ng LGU at ginagawang tunay na competitive sa pamamagitan ng functional Bids and Awards Committee. Sa unang pagkakataon, dumadaan na ang Pasig City Government sa tunay na public bidding.

Halimbawa, nito lamang ay nag-procure tayo ng mga kagamitan para sa Bahay Aruga; P900 thousand ang presyo sa purchase request pero nakakuha tayo ng lowest bidder na P600 thousand. Malaking savings ito para sa atin. Target natin na mapababa ang mga halaga sa lahat ng ating mga kontrata ng 10% sa minimum.

Full compliance na rin tayo sa pagpo-post ng ating procurement sa online platform ng gobyerno – ang PhilGEPS. Susunduin natin ang bawat provision ng Government Procurement Reform Act."

 

Tungo sa ligtas at maayos na lungsod

"Sa usapin ng paglutas ng masalimuot na isyu ng kaayusan sa ating mga kalsada, pinalakas natin ang ating personnel - 649 ang Traffic Enforcers na sumailalim sa Continuing Professional Training Program nitong nakaraang dalawang buwan. Nakapag-hire na tayo ng 83 na dagdag na personnel na ide-deploy sa mga pangunahing lansangan.

Ipinagamit na rin natin ang 190 body cameras sa ating mga enforcers para sa proteksyon ng mga commuters at drivers, at para maiwasan ang kotong. Magiging proteksyon din ito sa ating enforcers.

Maghihigpit na rin po tayo sa enforcement ng batas sa lansangan – naghahanda na tayo sa paggamit ng tire clamping sa mga illegally parked vehicles na sanhi ng pagbara sa ating mga kalsada. Ang ating enforcers ay nakapagtala na rin ng mas maraming apprehension ng truck ban violators.

Ibig sabihin ay naghihigpit na tayo sa pagpapatupad ng traffic rules and regulation para mapagagaan ang traffic congestion."

 

Safe Public Spaces

"Nilalayon din natin na tumupad sa mga standards ng safe public spaces. Ayon sa itinakda ng United Nations, hindi lang sapat na mayroon tayong mga espasyong pampubliko, dapat ang mga ito ay maayos at ligtas para sa lahat, lalo na sa mga senior citizens, mga kababaihan at kabataan.

Nitong umaga lang ay pinasanayaan natin ang mga renovated na public spaces sa iilang lugar. Simula pa lang ito at marami pa tayong aayusin.

In recognition of the need for spatial justice and the benefits of green spaces to mental and physical health, we have also sought to transform our city into a truly sustainable city, as our commitment to addressing the global climate crisis. We shall work on transforming Pasig through green initiatives, starting with an urban reforestation masterplan."

 

Bayanihan sa pamamahala

"Haligi ng ating pamumuno ang pagbubukas ng pamahalaan sa makabuluhang pakikilahok ng mamamayan. Ang mga taumbayan ay dapat na katuwang ng gobyerno sa pagbubuo ng polisiya at pagpapatupad ng mga programa. Inilalapit natin ang mga namumuno sa kanilang pinamumunuan.

May boses na ang mga maliliit nating kababayan. Noong Agosto, sa unang pagkakataon ay nagtipon ang mga civil society organizations, mga samahan sa ating komunidad mula sa iba’t ibang sektor para pormal na buksan ang proseso ng CSO Accreditation.

Sa kasalukuyan mayroon na tayong higit sa 200 accredited at 340 recognized civil society organizations. Hinihikayat pa natin ang iba pang organisasyon dahil patuloy ang proseso ng pagkilala sa mga CSOs natin.

Isinabuhay natin ang tunay na citizen participation sa pagkakaroon ng representante sa local special bodies. Hindi na mayor ang pumipili, naging supporter man o hindi, malayang pumili ang mga kinatawan ng CSOs sa local special bodies. Unang beses din ito nangyari sa Pasig.

Patunay na seryoso tayo sa pakikinig sa mga hinaing ng ating mga sektor, nagsagawa tayo ng CSO Agenda Building para pag-usapan ang mga priority issues ng ating constituents, at makapagpanukala ng mga solusyon sa mga ito. First time din itong mangyari.

Nagsagawa rin tayo ng townhall meeting para sa mga estudyante, guro, magulang, out-of-school youth at iba pang education stakeholders, inalam ang kanilang kalagayan, pangarap at maaring ambag sa pagpapaganda ng edukasyon sa lungsod.

Sa ganitong paraan ng pakikilahok ay ating nasisiguro na bukas ang gobyerno, na accountable ito sa mga desisyon, at responsive ito sa mga pangangailangan ng taumbayan. Ito ang tunay na pagpapalakas ng boses ng mamamayan na patuloy nating palalalimin at palalawakin pa. Ito ang esensiya ng bayanihan sa pamamahala."

 

Public Service Delivery

"Katulad ng sinabi ko sa umpisa ng aking termino, itutuloy natin ang mga dating proyekto ng Pasig City government sa pagbibigay ng serbisyong publiko. Ngunit mas higit natin itong pagagandahin at gagawing angkop sa pangangailang ng bawat Pasigueno.

Bunga ng pakikipag-usap ko sa ating mga constituents, masaya kong ibalita na mayroon tayong Christmas subsidy para sa mga lahat ng senior citizens at PWDs na ipapamahagi natin sa pamamagitan ng cash cards.

Ang mga empleyado ng city hall ay makakatanggap din hindi lamang ng 13th month at 14th month, kung hindi 15th month bonus!

Para naman sa ating mga kabataan na nangagailangan ng sapat na nutrisyon, mayroon tayong ipamamahagi na family packs na may bigas, canned goods at pagkain na may Sangkap Pinoy Seal. Kada linggo ay mabibiyayaan nito ang nasa 11,200 na mga batang nasa day care at 7,100 na elementary school pupils na malnourished. Hindi lamang sa eskwelahan at daycare centers masisiguro na busog an gating mga bata, maging sa kanilang mga tahanan.

Magandang balita rin sa marami pa nating constituents na nangangailan ng tulong medical, pinansyal at material. Inilunsad natin kanina ang Social Welfare Assistance Center o SWAC. Sa SWAC, ating pinagsasama ang primary health service delivery units, at ang iba pang support para sa mga residente. Ito ang magpapakita na ang pera ng gobyerno ay buong-buo nating ibabalik sa pagbibigay serbisyo.

Isinama na rin natin ang opisina ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO), Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA), at ang Referral o Inquiry para sa iba pang serbisyo ng national at city government. One-stop shop para sa Pasiguenong nangangailangan ng tulong.

Hindi rin naman po natin kalilimutan ang ating mga barangay. Magbibigay rin ang city government ng dagdag na P3 to 5 million sa ating mga barangay. Ang karagdagang halaga ng Aid to the Barangays ay aabot ng Php154 million sa taong ito.

Panghuli, at siguro ang pinaka-exciting dahil hindi lang ito para sa iilang grupo o sektor: lahat ng households ng Pasig ay may matatanggap na Pamaskong Handog. 400,000 packs po ang kabuuan na ihahatid namin sa inyong mga kabahayan. Hindi na kailangan magpalista o magpalakas sa sinumang pulitiko para ito ay inyong matanggap."

 

Closing

"Sa aking unang isang daang araw sa panunungkulan nais ko pong pasalamatan ang mga patuloy na sumusuporta sa akin - sa mga liders at myembro ng mga organisasyon, sa mga barangays, sa lahat ng Pasigueno. Hinihingi ko pa po ang inyong patuloy na pang-unawa at pagtitiwala.

Salamat sa mga department heads, OICs, at lahat ng empleyado ng lokal na pamahalaan, marami pa tayong gagawin.

Patuloy po tayong magtulungan upang mas higit pang maramdaman ang pagbabago sa ating pamamahala, para lubusan pa tayong magbigay ng serbisyo sa ating kababayan, para mas higit pang umunlad ang ating lungsod.

Plaza Bonifacio, muli na namang naging saksi ng tapang at pagkakaisa ng taumbayan para sa makabuluhang pagbabago. Sa lungsod ng Pasig, umaagos ang pag-asa!

Salamat pasigueno!"